Bakasyon Grande sa Bohol

Ni: Angela Benneth V. Salazar

 

Ano ba ang bakasyon? Bakit kaya masaya ang mga tao kapag malapit na ang bakasyon? Ano ba ang ginagawa tuwing bakasyon? Marahil ang ibang pamilya ay umuuwi sa probinsya upang mabisita nila ang kanilang pamilya, ang iba naman ay pumupunta sa ibang bansa upang makapasyal sila sa iba’t-ibang magagandang lugar. Ang iba naman ay nasa kani-kanilang mga bahay lamang kasama ang buong pamilya upang makapag-relaks.

Noong buwan ng Marso, ang aking pamilya ay nagbakasyon sa Bohol. Ang Bohol ay isa sa mga magagandang lugar dito sa Pilipinas dahil sa mga magagandang tanawin na makikita dito.

Noong kami ay bumabyahe, ako ay nakaramdam ng kaba at pagkasabik dahil makikita ko na ang aking pamilya. Sa aming pagbabyahe, nadaanan namin ang mga lugar sa Visayas katulad ng Iloilo, Leyte, Samar at ang lugar kung saan tumama ang mala-delubyong bagyo na Bagyong Yolanda, ang Tacloban City. Ang aming byahe ay tumagal ng dalawang araw.

Nang makarating na kami sa Bohol, nag-uumapaw ang aking saya dahil matagal-tagal nang hindi ako nagbakasyon sa Bohol. Nakita ko at nakilala ang aking mga pinsan. Ako man ay nahihiya sa kanila dahil iba ang kanilang dayalekto, sinubukan ko na makisama sa kanila. Sa pangalawang pagkakataon, naranasan ko nang dumalo ng pyesta sa kanilang lugar. Napakasaya ng kanilang pagdiriwang. Mayroong makukulay na banderitas, mga programa, mga “beauty contests” at ang kainan. Hindi rin mawawala ang pagsisimba at pagpapasalamat sa ating Panginoon upang maging kumpleto ang pagdiriwang ng pyesta.

Nagdaan ang mga araw na nagpasya ang aking mga magulang na kami ay ipapasyal sa mga magagandang tanawin na makikita sa Bohol. Una, pumunta kami sa Loboc River. Makikita sa Loboc River ang tinatawag na “floating restaurant” na kung saan ito ay isang uri ng bangka na ginagawang restaurant. Sa restaurant na ito, mararanasan mong kumain habang umaandar ang bangka. Ikalawa, pumunta kami sa Hanging Bridge sa Loboc, Bohol. Ito ay isang uri ng tulay na kung saan ikaw ay parang mahuhulog sa ere. Ikatlo, pumunta kami sa isang lugar kung saan makikita ang mga tarsier. Ang ika-apat at huling destinasyon, pumunta kami sa isa sa mga magagandang tanawin sa buong Pilipinas, ang Chocolate Hills sa Del Carmen, Bohol.

Pagkatapos ng sampung araw na bakasyon, napagdesisyunan namin na umuwi na ng Bicol. Masasabi kong ito ang pinakamasayang bakasyon na naranasan ko. At masasabi ko rin sa sarili ko, “NAPAKAGANDA NG BOHOL”.

Leave a comment