Musika

ni: Genda Alarcon

Pakinggan ang paligid. Iba’t-ibang tunog ang ating madirinig. Ang agos ng tubig sa mga sapa at ilog, ang tunog ng mga sasakyang humaharurot, ang ingay ng iba’t-ibang hayop at ang boses ng nagkwe-kwentuhang mga tao. Dahil dito sa ingay at tunog nabubuo ang sinasabing “Musika”.

Musika na kaysarap sa tenga. Ang tinig ng mga nota at ang tono ng bawat kanta. Musikang kaysarap pakinggan, madirinig natin kahit saan.

Ang musika ay maituturing na isang elemento na siyang nagbibigay sa mga tao ng kakaibang pakiramdam. Ito ay nagbibigay kulay sa pang araw-araw na pamumuhay. Ang musika ay isang tunog na kung saan ito ay kinakanta ng mga mang-aawit. Ito ay ginagamitan ng iba’t-ibang instrumento na nagbibigay ng iba’t-ibang tunog na kaysarap pakinggan sa tenga.

Masaya ang mundo dahil sa musika. Malaki ang epekto ng musika sa atin. Nagagamit din ito upang makapagturo, makapagpasigla, makapg bigay ng inspirasyon, at magkaisa.

Hindi maipagkakaila na maraming magandang nagagawa ang musika sa atin. Ang musika ay nakapagpapagaan ng ating loob, dahil sa kalmado at positibong elementong nilalaman ng bawat himig nito. Sa pamamagitan ng pakikinig sa musika, pansamantala nating nakakalimutan ang ating problema . Naaalis din ng musika ang lungkot at hinanakit na ating nararamdaman. Marami na din ang sumikat at umunlad ang buhay dahil sa musika. Ginamit nila ang kanilang talento sa musika upang makapagbigay ng inspirasyon sa bawat tao. Pinalalakas din ng musika ang ating pandamdam, inaantig ang ating damdamin, at ibinabalik ang mga alaala.

Kapag may musika, buhay ay nag-iiba. Ang musika ay may espesyal na katangiang taglay, kung kaya’t ang buhay ng tao ay malungkot kung walang musika. Matuturing nating ginto ang isang musika. Hindi ito musika “lamang”. Bahagi na ng ating buhay ang musika. Pinapakinggan at tinatanghilik natin ito araw-araw. Kaya’t kailangan natin itong alagaan at pagyamanin para sa mga susunod na henerasyon.

Leave a comment